LEGAZPI CITY – Kinumpirma ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Bicol outgoing Regional Director Eduardo Montealto na magkakaroon ng turn-over ceremony alas-10:00 ngayong umaga sa regional office.
Nabatid na pamumunuan na ni dating Police Regional Office 5 Regional Director at ngayon LTFRB Board Member retired PCSupt. Antonio Gardiola Jr. ang naturang tanggapan.
Sa eklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Montealto, pinasalamatan nito ang tulong ng mga transport groups at local official sa pagtupad ng trabaho at pagbibigay-solusyon sa ilang kinaharap na problema.
Aminado ang opisyal na sa halos isang taon na pamumuno, hindi gaanong nakapag-function bilang regional director lalo na’t hindi gaanong kabisado ang lugar.
Pinuri rin nito ang mga Bicolano na hindi umano matigas ang ulo habang magaling rin mamanihala sa problema ang mga LGU.
Sa kabilang dako bilang retiradong kasapi rin ng Armed Forces of the Philippines (AFP), malaki ang paniniwala ni Montealto sa kakayahan ni Gardiola na epektibong pamunuan ang LTFRB Bicol.
Pagbabahagi pa ni Montealto na ang pagiging disiplinado at kakayahang mag-adjust kahit sa kaunting superbisyon ng mga retiradong PNP at AFP officials ang siya ring dahilan ng malaking tiwala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtatala sa mga ito sa government positions.
Samantala dahil kasalukuyang nasa Cebu City at hindi makabiyahe dahil naka-Enhanced Community Quarantine (ECQ), nagpadala na lamang ng video message si Montealto.