LEGAZPI CITY – Nakalabas na ng kulungan ngayong hapon ang itinuturong mastermind sa pamamaslang kay Ako Bicol Party-list Representative Rodel Batocabe na si dating Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo. Kaugnay nito, labis na kalungkutan aniya ang nararamdaman ng pamilya Batocabe dahil sa naging pasya ng hukom na si Presiding Judge Maria Theresa San Juan-Loquillano.
Ayon kay Atty. Justin Batocabe sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nakakadismaya at nakakabigla ang mabilis ng desisyon ng hukom na nabatid na kakabalik pa lamang sa opisina ngayong araw.
Dahil dito, napawalang saysay na umano ang inihain na motion for reconsideration ng kanilang kampo kaugnay ng pagpapahintulot ng hukom na makapaglagak ng mahigit P8 million na piyansa ang dating opisyal. Aniya, tila nawawalan na sila ng pag-asa na makakamit pa ang hustisya para sa pinaslang na ama kaya patuloy aniyang pag-aaralan ang susunod nilang hakbang.
Dagdag pa ng nakababatang Batocabe na nababahala rin sila para sa kaligtasan ng kanilang pamilya matapos ang paglaya ni Baldo kaya ikinokonsidera ang pagkakaroon ng police escort. Samantala, hindi umano napigilang mapaiyak ng inang si Gertie Batocabe matapos malaman ang paglaya ng dating opisyal.
Sa kasalukuyan ay nakauwi na sa kanilang tahanan sa Barangay Tagas sa bayan ng Daraga si Baldo.