Catanduanes Governor Boboy Cua
Catanduanes Governor Boboy Cua

LEGAZPI CITY—Diniskwalipika ng Commission on Elections 1st Division si dating Catanduanes governor Joseph Chua Cua sa pagtakbo bilang alkalde ng bayan ng Virac noong May 2025 midterm elections kasunod ng isyu umano nito sa citizenship.

Ayon kay Comelec Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ang nagsampa ng kaso ay si Sinforoso Sarmiento Jr. laban kay Cua noong Marso kung saan sinabi nitong isa umanong Chinese national ang dating gobernador.

Sinabi ni Atty. Laudiangco na ang batayan ng diskwalipikasyon ni Cua ay ang kabiguan nitong patunayan ang kanyang naturalization at residency.

Habang hindi pa aniya final and executory ang petisyon na inilabas ng Comelec 1st Division, maaari pa ring maghain ng motion for reconsideration si Cua sa kanilang komisyon.

Dahil sa diskwalipikasyon, hindi maaaring magpatuloy ang nasabing opisyal sa kanyang pagkakandidato.

Samantala, inihain kay Cua ang petisyon noong Hulyo 11 at mayroon itong limang araw para maghain ng motion for reconsideration sa Comelec en banc.

Gayunpaman, sinabi ni Atty. Laudiangco na ang nasabing petisyon ay maaaring maging final and executory kung hindi ito maghahain ng motion for reconsideration sa loob ng itinakdang araw.