LEGAZPI CITY- Nanawagan ang pamunuan ng Daraga Municipal Police Station sa publiko at maging sa ilang mga media personalities na iwasan ang pagpapalabas ng hindi beripikadong mga impormasyon hinggil sa naaresto na apat na armadong kalalakihan sa Barangay San Vicente sa naturang bayan.
Ito matapos na kumalat ang ilang mga post na tila may tinuturong personalidad na nasa likod ng insidente.
Ayon kay Police Major Edgar Azotea, hepe ng Daraga Municipal Police Station sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na ang hindi beripikadong mga impormasyon ay nagdudulot ng pagkalito at pagkabahala sa mga residente.
Ito lalo pa at nagpapatuloy ang halalan sa kasalukuyan.
Matatandaan na inihahanda na ang kaso laban sa apat na mga suspek dahil sa pagdadala ng hindi dokumentadong mga baril lalo pa ngayong umiiral ang gun ban.
Ayon kay Azotea na naghihintay rin ang kanilang himpilan kung opisyal na pagpapa blotter ng umano’y biktima ng pangha-harass sa naturang bayan.
Dagdag pa nito na nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga kapulisan hinggil sa insidente.