LEGAZPI CITY- Nagpahayag ng kahandaan ang pamunuan ng Daraga Municipal Police Station na gawin ang kanilang mandato sa gitna ng kautusan ng korte na arestuhin si Daraga Mayor Carlwyn Baldo dahil sa two counts of murder.
Ito ay dahil itinuturo ang alkalde na nasa likod ng pagpapa-paslang kay dating Congressman Rodel Batocabe.
Ayon sa hepe ng hepatura na si Police Lt. Col. Edgar Azotea sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na sa kasalukuyan ay hinihintay pa nila ang kautusan mula sa headquarters dahil wala pa silang hawak na pormal na arrest warrant.
Nilinaw din nito na handa silang protektahan ang karapatan ng alkalde, gayundin nag karapatan ng pamilyang nag-aakusa sa opisyal at ang komunidad.
Ayon sa opisyal na oras na matanggap ang arrest warrant ay handa silang isilbi ito sa pakikipagtulungan sa iba pang mga law enforcement agencies.
Nabatid na noong nakalipas na araw ay nagtungo na ang Criminal Investigation and Detection Group sa bahay ni Mayor Carlwyn Baldo sa Barangay Tagas subalit wala ang alkalde.
Samantala, nanawagan naman ang hepe sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng mga walang basehan na impormasyon hinggil sa kaso, lalo na sa social media dahil posible itong magdulot ng tensyon talo na sa mga taga-suporta ng magkabilang panig.