LEGAZPI CITY – Ipinangangamba ng disaster management officials sa Pioduran, Albay na magdulot ng mas malaking panganib ang patuloy na pagtaas ng lebel ng buhangin sa Panganiran Dam.
Ayon kay Pioduran Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) head Noel Ordoña, halos kapantay na umano ng dam ang buhangin dahil sa natigil na dredging activities kasunod ng pagsuspendi ng operasyon ng sand and gravel extraction sa lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, naobserbahan ang sitwasyon sa isinagawang ocular inspection sa dam na nabatid na pinagbabagsakan rin ng mga buhangin mula sa bayan ng Oas, kung lumalakas ang mga pag-ulan.
Paliwanag ni Ordoña na sa pinangangambahang scenario, dadaloy ang tubig sa ibang lugar at kakaunti na lamang ang masusuplay sa irrigation system, dahil sa patuloy na pagkapuno ng dam.
Hindi malayong mangyari ang mga flashfloods sa mga panahon na malakas ang mga pag-ulan.
Nailatag na rin ang isyu sa isinagawang meeting kasama ang Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) at si Vice Gov. Grex Lagman.
Sa Lunes, Hulyo 18 inaasahang pasisimulan ang dredging activity sa Panganiran River na para sa disaster mitigation lamang ang nilalayon at hindi pang-komersyo.
Umaasa naman si Ordoña na hindi tuluyang matitigil ang dredging activity sa lugar at magpapatuloy sakaling makompleto na ang pagsuri sa permit ng mga quarry operators.