LEGAZPI CITY- Nagtamo ng matinding pinsala ang unahang bahagi ng dalawang truck matapos magka banggaan sa Maharlika Highway ng Barangay Ubaliw sa bayan ng Polangui, Albay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Polangui Emergency Response Service Quick Response Team Supervisor Christopher Encisa, sinabi nito na patungo sa Metro Manila ang isang truck habang ang isa naman ay patungo sa lungsod ng Legazpi.
Nawalan umano ng kontrol ang isa sa mga truck kaya kinain ang linya ng kasalubong na sasakyan.
Ayon sa opisyal na mabuti na lamang na na-monitor nila ang aksidente sa CCTV ng bayan kaya mabilis na nakapag responde.
Dagdag pa ni Encisa na mapalad na galos lamang ang tinamo ng mga drivers at pahinante ng naturang mga truck.
Agad naman na nalapatan ng medikal na atensyon ang mga biktima ng mga rumespundeng team.
Samantala, nagdulot naman ng bahagyang pagbagal ng daloy ng trapiko ang naturang aksidente.
Patuloy naman na pinag-iingat ang mga motorista sa pagmamaneho sa kalsada upang maiwasan ang kaparehong mga aksidente.