LEGAZPI CITY – Muling naitala ang pagnanakaw at pagkawala ang ilang gamit ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa isa sa mga monitoring station nito sa Albay.

Natuklasan ang pagkawala ng dalawang 150-watt solar panel sa isinagawang routine inspection at preventive maintenance service ng Phivolcs personnel sa Mayon Resthouse station.

Ayon sa Phivolcs, ginagamit ng mga solar panels sa power supply para sa mga instrumento sa pagmonitor ng lindol sa Bulkang Mayon, Global Positioning Sytem (GPS) at tiltmeter.

Aminado ang ahensya na malaki ang epekto ng kawalan ng power supply dahil hindi makakapag-transmit ng data mula sa naturang monitoring station.

Mahaharap naman sa kasong paglabag sa Republic Act 10344 o Risk Reduction and Preparedness Equipment Protection Act ang sinomang mapapatunayan na nagnakaw, sumira o nakialam sa anumang instrumento na may kaugnayan sa disaster preparedness.

Apela naman ng ahensya sa mga residente na bantayan ang mga instrumento at huwag nakawin dahil ito ang makakatulong sa pagtitiyak na ligtas ang mga nakapaligid sa naturang bulkan.