LEGAZPI CITY—Inihayag ng City Disaster Risk Reduction Management Office ng Tabaco City na dalawang residente ng lungsod ang kabilang sa mga nawawalang tao sa gumuhong 9-palapag na gusali sa Barangay Balibago, Angeles City, Pampanga.
Ayon kay Tabaco City City Disaster Risk Reduction Management Office Head Gel Molato, sa panayam sa Bombo Radyo Legazpi, nalaman nila ang impormasyon noong Mayo 25 nang mag-ulat ang mga kamag-anak ng dalawang biktima mula sa Rawis, San Miguel Island ng nasabing lungsod.
Agad itong kinumpirma ng kanilang tanggapan sa Angeles CDRMMO at sinabing ang dalawang indibidwal ay kabilang sa mga nawawalang tao sa gumuhong gusali.
Aniya pumunta ang kanilang mga tauhan sa pinangyarihan ng insidente upang samahan ang mga kamag-anak ng mga biktima, subaybayan at makipag-ugnayan sa patuloy na search, rescue at retrieval operations ng mga awtoridad.
Sa kasalukuyan, anim pang katawan ang pinoproseso ng Scene of the Crime Operations at ng Department of Health para sa pagkakakilanlan ng mga biktima kaya hindi pa kumpirmado kung kasama ang mga katawan ng mag-tiyuhin na biktima na 23-taong-gulang at 38-taong-gulang.
Dagdag niya na ang mga ito ay nagtatrabaho bilang mga construction worker na dating nagtrabaho sa Bulacan at lumipat noong unang linggo ng Mayo sa nasabing gusali.
Aniya, hindi nawawalan ng pag-asa ang mga kamag-anak na buhay pa sila gayundin na handa sa anumang mangyari basta’t makita at makuha ang anumang kalagayan ng dalawang biktima.











