LEGAZPI CITY- Sugatan ang dalawang pulis sa panibago na naman na engkwentro laban sa New People’s Army (NPA) sa Barangay Gaid, Dimasalang, Masbate.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PMaj. Alfredo Lastrella Jr. ang hepe ng Dimasalang Municipal Police Station, papauwi na mula sa isang aktbidad ang kanilang tauhan na sina PSSg Leo Almario II at Patrolman Jasper Gigante lulan ng police mobile ng mapansin nito sa daan ang isang tarpaulin para sa anibersaryo ng NPA.
Nang lapitan ng dalawa ang tarpaulin bigla na lamang na sumabog ang isang improvised explosive device (IED) saka nagpaulan ng bala ang nasa 10 mga NPA.
Agad naman na nakipagpalitan ng putok ang dalawang pulis na nagtagal ng nasa 10 minuto hanggang sa tumakas na ang mga NPA.
Sugatan sa engkwentro sina Almario at Gigante mula sa mga shrapnel ng pinasabog na improvised explosive device subalit nasa ligtas naman na kondisyon.
Tinamaan rin ng mga bala ang kanilang sinasakyang police mobile.
Ayon kay Lastrella, inaasahan na talaga ang pagdami ng mga pang-aatake ng NPA lalo pa at papalapit na ang anibersaryo nito ngayong Marso 29.
Subalit tiniyak naman ng opisyal na nakahanda ang kapulisan upang pangalagaan ang seguridad at ipagtanggol ang mga Pilipino.
Nabatid na ito na ang pangatlong engkwentro ngayong Linggo kung saan kahapon ng dalawang sundalo rin ang nasugatan sa nangyaring bakbakan sa Brgy. Locso-an, Placer, Masbate habang isa naman ang namatay sa isa pang engkwentro noong Lunes sa bayan ng Cawayan.