LEGAZPI CITY- Naiuwi na sa Pilipinas ang ikatlong batch ng mga labi ng Overseas Filipino Worker na nasawi sa Saudi Arabia kabilang na ang dalawang Bicolano.
Nabatid na isa sa mga ito ang pumanaw dahil sa coronavirus disease na tubong Masbate habang isa naman ang mula sa Camarines Norte na namatay sa sakit sa puso.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay OWWA Bicol Regional Director Henry Miraflor, kagaya ng sinusunod na protocol, na-cremate na ang mga bangkay pagdating sa Manila bago ibabiyahe ang abo pauwi sa mga lalawigan.
Kailangan umanong agad na maisailalim sa proseso ang mga bangkay lalo pa’t isa ang namatay sa nakakahawang sakit na COVID-19.
Matagal na rin umanong namatay ang isa pang OFW.
Sa ngayon, tuloy-tuloy naman ang pagmonitor ng OWWA sa kondisyon ng mga OFW sa Saudi dahil sa banta ng COVID-19.
Samantala, bibigyan naman ng P100,000 pinansyal na tulong ang mga kamag-anak ng pumanaw na OFW.