LEGAZPI CITY- Nagpapatuloy pa sa ngayon ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad matapos ang pagkakahuli sa dalawang drug couriers sa Matnog port na may dalang aabot sa P90 million na halaga ng shabu.
Una ng nasabat ng mga personahe ng Philippine Drug Enforcement Agency Sorsogon katuwang ang Philippine Ports Authority, Matnog Municipal Police Station at ng RO-NCR/Manila Northern District ang isang sasakyan na may dalang aabot sa 18 kilos ng shabu na may halagang P91, 290,000.
Ayon kay Agent Adrian Fajardo, ang PDEA Sorsogon Officer sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nakaresibe ito ng impormasyon ukol sa isang sasakyan na may kargang shabu mula sa Mindanao.
Agad naman na nagsagawa ito kasama ang iba pang mga law enforcement agencies ng checkpoint sa mga bumababang mga sasakyan sa barko ng nasabing pantalan.
Naaresto ang dalawang drug couriers na nakilalang sina Kabilan, Arsad y Yusop at Tato, Jehamin y Kumpi na parehong residentes ng Shariff Aguak, Maguindanao.
Sasampahan naman ng kaso ang nasabing mga suspek hinggil sa bayulasyon sa anti-drug law.
Samantala, mas papaigtingin pa ng PDEA ang kanilang mga isinasagawang screening capability sa mga pantalan lalo na sa Matnog para maiwasan na ang mga pagpuslit ng mga kontrabando kung saan ito ang pinaka gateway ng papuntang Visayas at Mindanao.