LEGAZPI CITY- Natupok ng apoy ang dalawang residential house sa Sitio, Sapa-Sapa Barangay Calasuche sa bayan ng Milagros, Masbate.
Ayon kay Milagros Fire Station Chief Investigator and Intelligence Unit head Senior Fire Officer 1 Angelo Franco Marcaida sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na magtakabi lamang ang naturang mga bahay kaya madaling nadamay sa sunog.
Lumabas sa paunang pagsisiyasat na problema sa electrical connection ang pinagbulan ng naturang sunog.
Tinataya naman na nasa P59,000 ang pinsala sa insidente.
Mabuti na lamang aniya na may firewall ang ilang kalapit na mga bahay kaya hindi nadamay pa sa insidente.
Ayon pa kay Marcaida na malaking tulong rin ang pagbabayanihan ng mga residente na nagkusa na apulahin ang sunog bago pa man makarating ang mga bumbero.
Samantala, plano naman ngayon ng Milagros Fire Station na magkaroon ng community fire protection plan at bumuo ng community fire auxiliary group na magiging unang responders kung magkakaroon ng sunog.
Batay sa tala ng tanggapan ay nakapagtala na ng 16 na insidente ng sunog sa bayan ngayong 2024 kung saan dalawa ang naitala noong Pebrero, tatlong fire incidents naman noong Marso at anim noong Abril.
May apat na insidente rin noong Mayo at isa ngayong Setyembre, na karamihan umano ay mga bush fires.