LEGAZPI CITY – Nagbabala ang state weather bureau sa posibilidad ng pagpasok ng mga bagyo sa bansa ngayong natapos na ang El Niño at nagsisimula na ang La Niña.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa weather specialist na si Jun Pantino, nasa dalawa hanggang tatlong mga bagyo ang posibleng mabuo sa bansa sa bawat buwan simula ngayong Hulyo hanggang sa pagtatapos na ng taon.
Ang iba nito ay posibleng pumasok lamang sa Philippine Area of Responsibility at hindi naman maglandfall sa kalupaan.
Subalit magdadala pa rin ng mga pag-ulan at malakas na hangin kung kaya payo ng eksperto sa publiko na paghandaan pa rin ang mga bagyo.
Kailagan na mapaayos na ang mga may sirang parte ng bahay upang maiwasan ang mas malaking pinsala sa pagdating ng bagyo.
Payo naman nito sa mga magsasaka na agahan na rin ang pagtatanim upang mas maaga rin na makapag-ani bago pa man ang pagdating ng malalakas na bagyo sa ber months.