LEGAZPI CITY – Nagkulay pink ang dalampasigan ng Buntod Reef sa Masbate dahil sa pagdagsa ng tumpok-tumpok na alamang.

Kilala ang lugar na isa sa mga tourist spot sa lalawigan kung kaya’t hindi lamang mga residente ang nagkagulo sa pagkuha ng mga alamang kundi maging ang mga turista.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay BFAR Bicol spokesperson Rowena Briones, hindi na bago ang ganitong mga insidente ng pagdagsa ng mga alamang sa dalampasigan na dati ng naitala sa kaparehong lugar noong taong 2020.

Kabilang sa mga tinitingnang rason dito ay ang matinding init ng panahon, malakas na alon ng karagatan, sama ng panahon o ang paghabol ng mga isdang kumakain ng alamang.

Tiniyak naman ng opisyal na ligtas na kainin ang mga ito kung wala pang amoy kahit nasa baybayin na.

Aniya, imbes na matakot, dapat na matuwa pa ang mga residente dahil senyales ito na malinis pa ang karagatan sa lugar at marami pang nabubuhay na lamang dagat.