LEGAZPI CITY- Nabahala ang UP Pandemic research team sa posibilidad na mas mataas pa ang may COVID 19 sa bansa kumpara sa mga naiuulat dahil sa delay at kakulangan sa testing.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Prof. Jomar Rabajante, sa ngayon nananatili sa average na 37,000 ang daily COVID 19 cases sa bansa kung saan karamihan ay nagmumula pa rin sa National Capital Region.
Kung pagbabasehan umano ang 90,000 hanggang 100,000 lamang na daily capacity sa RT PCR testing sa bansa marami sa mga close contact at mga may sintomas ang hindi napapasama sa mga naiuulat na may COVID 19.
Dahil dito, hindi dapat na magpakakampante ang mga Pilipino kahit pa bumagal ang pagtaas ng daily COVID 19 cases at dapat na panatilihin ang mahigpit na pagsunod sa mga health protocols.
Base sa ulat ng Department of Health, kabilang sa mga lugar na nasa critical risk sa COVID 19 ang Manila, Cagayan Valley, Ilocos Region, Calabarzon, Cordillera Administrative Region at Central Luzon.