LEGAZPI CITY – Dumoble na ang bilang ng mga pasahero na dumadaan sa mga pantalan sa rehiyong Bicol dahil sa long weekend ngayong magkakasunod ang holidays.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Achilles Galindes ang media relations officer ng Port Management Office Bicol, mula sa dating 1,500 hanggang 2,000 na daily average passengers, umaabot na ngayon sa 3,000 ang mga pasaherong sumasakay ng barko sa Matnog port.
Ganito rin ang sitwasyon sa iba pang mga pantalan sa rehiyon kagaya ng Port of Tabaco at Pio Duran port dahil sa dami ng mga nais na makauwi at makapagbakasyon sa kani-kanilang probinsiya.
Subalit inaasahan na dadami pa ang dagsa ng mga pasahero ngayong araw hanggang bukas ng Sabado.
Dahil dito, naka-heightened alert na ang lahat ng mga pantalan sa rehiyon na nagkansela na muna ng bakasyon ng kanilang mga empleyado upang mabigyang serbisyo ang maraming mga pasahero.
Tiniyak naman ng opisyal na walang magiging aberya sa biyahe dahil may sapat naman na masasakyang roro vessels habang walang nakikitang sama ng panahon.