LEGAZPI CITY – Ibinida ni Matnog Port Acting Division Manager Achilles Galindes na normal ang naging bugso ng mga biyahero sa naturang pantalan ngayong Semana Santa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Galindes, ngayon lang naging maluwag ang biyahe sa pantalan kumpara noong mga nakalipas na taon sa parehong panahon.
Wala naitalang mahabang pila ng mga rolling cargoes sa labas ng pantalan at maging ng mga pasahero.
Hindi aniya tulad noong mga nakaraang taon na umaabot pa sa kilo-kilometro ang pila ng mga sasakyan sa labas ng pantalan sa panahon ng Semana Santa.
Ayon kay Galindes, naging posible ito dahil nadagdagan ang bilang ng mga barko na mula sa dating 10 hanggang 13 ay naging 17 na ngayon.
Resulta nito ay tuloy-tuloy ang naging biyahe ng mga barko at hindi nakaranas ng pagkaantala ang mga pasahero dahil hindi nagkaroon ng mahabang pila.
Natuto na aniya ang iba dahil bumiyahe na ng maaga ang mga tatawid patungong Visayas at Mindanao.
Samantala, hindi naman maiwasan ng mga awtoridad sa pantalan na makapagkumpiska ng mga ipinagbabawal na bagay na dala ng mga pasahero tulad ng matatalim na bagay.