LEGAZPI CITY – Nanawagan ang grupo ng mga guro ng dagdag na sahod kasabay ng patuloy na pagmahal ng presyo ng mga bilihin sa Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Vladimer Quetua ang Chairperson ng Alliance of Concerned Teachers, karamihan sa mga guro ang kinakapos pa rin sa kanilang sahod dahil sa mataas na inflation.
Dahil dito nanawagan ang grupo na gawin ng salary grade 16 ang entry level na sahod ng mga guro upang maabot ang living wage na nasa P45,000.
Base kasi sa mga pag-aaral, kailangan ng P45,000 na buwanang sahod upang magkaroon ng maayos na kalidad ng pamumuhay ang isang pamilyang Pilipino.
Panawagan naman ni Quetua na mabigyang tugon na rin ang matagal ng problema sa sektor ng edukasyon kagaya ng kakulangan sa libro, klasrum, kakulangan sa guro at iba pa.