LEGAZPI CITY – Nanawagan ang grupo ng mga magsasaka sa gobyerno na mas palawakin pa ang pagbibigay ng subsidiya sa mga nagtatanim ng palay upang mas mapamura pa ang presyo ng bigas sa Pilipinas.
Kasunod ito ng pagsisimula ng pagbebenta ng P29 kada kilong bigas sa mga piling Kadiwa stores sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Cathy Estavillo ang tagapagsalita ng grupong Bantay Bigas, mula ang mga nasabing bigas sa 40,000 ektarya ng palayan na fully subsidized ng gobyerno.
Naging mura ang benta nito dahil ang gobyerno na ang gumastos para sa binhi, fertilizer, patubig at maging sa pagbabiyahe ng produkto.
Hamon naman ng grupo na gawin na ito ng gobyerno sa nasa 4.8 milyon na ektarya ng taniman sa bansa upang mapababa na ang presyo ng bigas sa lahat ng mga palengke.