LEGAZPI CITY – Umapela ng karagdagang tulong sa magagamit na rescue vehicles ang team na abala sa paglikas ng marami pang residente sa Batangas na apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay MSgt. Federico Korea, communication officer ng 401st Reservist Alpha Company ng Philippine Army, mistulang “ghost town” na sa ilang lugar subalit marami pa rin aniyang kinakailangang mailikas kabilang na ang ilang matatanda at maysakit.
Ayon kay Korea, wala na ring suplay ng kuryente sa mga bayan ng San Nicolas, Taal at Agoncillo habang ilang mga establisyemento rin ang bumagsak dahil sa tuloy-tuloy na mga lindol.
Isang malaking puno aniya ang humambalang sa Pansipit Bridge sa Lemery at bagsak rin ang covered court sa San Teodoro, Agoncillo.
Samantala, abiso naman ni Korea sa mga residente na hindi pa naililikas na maglagay ng puting tela o bandila sa labas ng bahay na magsisilbing palatandaan sa rescuers na may tao pa sa loob.
Dadalhin naman ang mga ito sa Batangas Provincial Sports Complex sa Batangas City.