(File photo)


LEGAZPI CITY – Hinikayat ng Alliance of Concerned Teachers ang Department of Education (DepEd) na magkaroon ng karagdagang mga bilang ng guro kasunod ng planong full implementation ng face-to-face classes sa Nobyembre 2.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay ACT secretary general Raymond Basilio, hindi maaaring magbalik sa normal ang klase ngayong nasa gitna pa ng pandemya dahil pwedeng magsiksikan ang mga mag-aaral sa loob ng classroom.

Sa inilabas na Department Order No. 34 na pirmado ni VP at Education Secretary Sara Duterte, mandatory na ang paglahok ng mga estudyante sa full implementation ng in person classes sa naturang petsa.

Subalit ayon kay Basilio, kailangang kontrolado pa rin ang bilang ng mga mag-aaral sa isang klase bilang pag-iingat sa pagkalat ng coronavirus disease.

Dahil dito, mahalang mag-hire ng mga dagdag na mga guro para sa naturang plano.

Dapat din na bilisan ng pamahalaan ang pagsasaayos ng mga pasilidad upang hindi makompromiso ang kalusugan ng mga estudyante gayundin ang pagkakaroon ng sapat na transportasyon.

Binatikos naman ni Basilio ang tanggapan dahil basta na lamang umanong nagpapatupad ng polisiya na walang konsultasyon sa mga magulang at guro.