Halos 20 katao ang nasawi sa India dahil sa malalaking alon at bumuhos ang malakas na mga pag-ulan kasabay ng pananalasa ng Cyclone Tauktae nitong Martes.
Libo-libong katao rin ang inilikas mula sa Kerala, Karnataka, Goa, Maharashtra at Gujarat, kabilang na ang nasa 600 Covid-19 patients na nasa field hospitals dahil sa ulat na tumaas hanggang tatlong metro ang alon sa bayan ng Diu.
Itinumba ng malakas na bagyo ang mga poste ng kuryente at puno habang ilang kabahayan rin ang nawasak.
Samantala, nasa 146 na katao naman ang na-rescue sa barkong lumubog sa karagatang sakop ng Mumbai habang pinaghahanap naman ng search and rescue operations team ang iba pa mula sa higit 200 pasahero.
Pansamantala namang itinigil ang vaccine programme upang makontrol ang lumalalang Covid-19 outbreak.
Naglandfall sa Gujarat ang bagyo sa kategoryang Extremely Severe Cyclonic Storm dala ang pagbugso na 185 kilometres per hour, ayon sa ulat ng Indian Meteorological Department.
Bahagya naman itong humina matapos na tumama sa kalupaan.