LEGAZPI CITY – Nakabantay na ngayon ang Department of Agriculture sa bagong sakit na tumatama sa mga baka, kambing at kalabaw na tinatawag na Q fever.
Ito’y matapos na makapagtala ng kaso ng sakit sa Marinduque ay Pampanga.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Lovella Guarin ang tagapagsalita ng Department of Agriculture Bicol, dahil sa mga naitatalang kaso ng sakit sa ibang lugar, nakaalerto na ngayon ang ahensya na naglagay ng mga checkpoints sa border ng rehiyon.
Pinipigilan na muna na makapasok ang anumang produktong nakukuha sa mga baka, kambing at kalabaw lalo na kung mula sa mga apektadong lugar.
Ayon kay Guarin, sa ngayon wala pa namang naitatalang kaso ng sakit sa rehiyon subalit kailangan pa rin na maging maingat upang mapigilan ang posibleng pagkalat pa nito.
Kasama sa mga sintomas ng Q fever sa mga hayop ay metritis o pamamaga ng uterus, pagkalaglag ng anak, pananamlay, kawalan ng ganang kumain at iba pa.