LEGAZPI CITY – Huwag magpagamit sa mga pulitiko, imbes tutukan na lamang ang trabaho sa gobyerno.
Paalala ito ni Civil Service Commission (CSC) Commissioner Atty. Aileen Lizada sa mga government employees habang nagpapatuloy ang campaign period para sa 2022 local at national elections.
Aniya, walang problema kung magsusuot ng mga paboritong kulay ng damit subalit huwag lamang lalagyan ng “Vote” at kakabit ang pangalan ng kandidato.
Pinakiusapan rin nito ang iba pang mga opisyal na huwag gamitin ang mga job orders at contractual employees at iba pang government resources sa kampanya.
Aminado si Lizada na nakakatanggap na ang komisyon ng mga reklamo na ipinapasa naman sa mga concerned agencies.
Sa katunayan, may mga inendorso na ring reklamo ang tanggapan mula sa mga lokal na pamahalaan na ipinasa sa DILG at sa COMELEC.
Dagdag pang paalala ni Lizada na maliban sa pagkatanggal sa trabaho, posibleng mauwi rin sa kawalan ng promotion at criminal charges ang pagsangkot sa kampanya.