LEGAZPI CITY – Maghihigpit ang Civil Service Commission sa pagbabantay sa darating na Career Service Examination sa Marso 15, 2020.
Kasunod ito ng pagpayag sa mga examinees na magsuot ng face mask at magdala ng hanggang 100ml na hand sanitizer sa loob ng assigned room dahil sa coronavirus disease (COVID-19).
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay CSC Bicol spokesperson Rona Nuñez, maiging susuriin ang mga dalang face mask at hand sanitizer upang makatiyak na walang nakatagong kodigo.
Hindi aniya magaan ang sanction o parusa sakaling may maitalang pandaraya.
Ayon kay Nuñez, tatanggalin muna ng mga examinees ang face mask sa pagpasok sa assigned rooms upang ma-identify kung sila ang nasa ID at nag-apply para sa examination.
Paliwanag pa ni Nuñez na sakaling may sakit o “flu-like symptoms” ang examinee, kinakailangan munang magpaalam sa regional office ng CSC upang ma-validate at malaman kung maaring iurong na lang ang pagtake nito ng Career Service Examination.