LEGAZPI CITY – Pinakababantayan ngayon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang naobserbahang crater glow o pag-ilaw ng bunganga ng Bulkang Mayon sa Albay sa nakalipas na dalawang araw.
Batay sa ibinabang abiso ng Phivolcs dakong alas-4:00 ngayong hapon, posibleng dulot ito ng mainit pa ring “magmatic gases” sa ilalim ng bulkan.
Mula noong Marso 2018, bumaba na ang naitatalang lindol sa bulkan at volume ng buga ng asupre subalit namataan ang kaunting pamamaga sa edipisyo na nag-umpisa noong Pebrero 2019.
May kaugnayan umano ang naobserbahang aktibidad sa pag-akyat ng mga natirang magma na nasa mababaw na lebel sa nakalipas na pag-aalboroto noong taong 2018.
“These observations indicate that Mayon’s recent behavior has been mainly driven by changes occurring within magma already emplaced beneath the edifice rather than by renewed magma intrusion events. In the past two days, crater glow has been detected at the summit crater that is likely caused by hot magmatic gases heating the overlying atmosphere. This suggests the possibility that remnant magma may be quietly rising to the shallow levels of the edifice.”
Hindi naman inaalis ang posibilidad sa pagputok, lava collapse, ashfall at ilan pang volcanic activity sa kasalukuyang lagay ng bulkan.
Sa ngayon, nananatili sa Alert Level 2 status ang bulkan o moderate level of unrest kaya’t inirerekomenda ang pagbabawal sa pagpasok sa six kilometer-radius Permanent Danger Zone at pagpapatupad ng precautionary measures sa mga nasa seven kilometer-radius Extended Danger Zone.