LEGAZPI CITY – Target ng Department of Health (DOH) Bicol na magsagawa ng COVID-19 vaccination sa mga evacuation center sa lalawigan ng Albay.
Batay sa pinakahuling datos, nasa halos 3,900 na pamilya o nasa 13,800 na indibidwal ang nananatili sa mga evacuation center dahil sa pag-alburoto ng Bulkang Mayon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DOH Bicol Assistant Regional Director Ferchito Avelino, mahalaga na protektado ang mga evacuees upang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease lalo pa’t nananatili pa rin ang banta ng sakit.
Ikinababahala kasi ng opisyal na kung sakaling mayroong isang tinamaan ng COVID-19 tiyak na marami ang mahahawaan lalo pa’t sa isang silid sa evacuation ay okupado ng 10 pamilya.
Una ng nagpadala ng mga gamot, inuming tubig at COVID-19 testing kits ang tanggapan para sa mga residenteng inilakas.
Nanawagan naman si Avelino sa mga local chief executives nas e-endorso ang pagsasagawa ng pagbabakuna sa mga evacuation center laban sa nakakahawang sakit.
Hinikayat din ang mga evacuees na magsuot ng face mask bilang panlaban sa mga maninips na ash particles mula sa bulkan at sa coronavirus disease.
Hiniling din sa mga namamahala sa mga evacuation center na dapat hindi congested ang mga kwarto at mayroong maayos na ventilation.
Samantala, sa hiwalay na panayam nilinaw ni APSEMO Officer in Charge Eugene Escober na ibinaba sa 3,876 na pamilya o 13,811 na indibidwal ang bilang ng mga evacuees mula sa dating 3,938 na pamilya o 14,378 na indibidwal.
Paliwanag ng opisyal na nagkaproblema sa ipinadalang datos mula sa Local Disaster Risk Reduction and. Management Office (LDRRMO) kung saan nagkaroon umano ng double entry partikular na sa bayan ng Guinobatan na isa sa may pinakamaraming evacuees.