LEGAZPI CITY – Nadagdagan pa ang bilang ng mga naka-recover na sa coronavirus disease sa Bicol.
Batay sa tala ng Department of Health Center for Health and Development (DOH-CHD) Bicol, pito ang gumaling na sa sakit matapos na magnegatibo sa isinagawang kasunod na swab tests.
Kabilang sa mga ito sina Bicol#175, 23-anyos na babae mula sa Batuan, Masbate; Bicol#283, 22-anyos mula sa Camalig, Albay; Bicol#284, Bicol#285 at Bicol#286 mula sa Guinobatan, Albay, 29-anyos na si Bicol#295 mula sa Pilar, Sorsogon at 67-anyos na babae mula sa Legazpi City.
Mismong ang mga local government units (LGU) na nakakasakop ang nag-ulat ng mga panibagong recoveries sa Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU).
Samantala sa nasa 445 test results na natanggap ng DOH CHD Bicol, 39 sa mga ito ang nagpositibo sa COVID-19 habang dalawa naman ang isinalang sa repeat test.
Sa kabuuan, sumampa na sa 551 ang nagpositibo sa COVID-19 sa rehiyon kung saan 286 ang aktibong kaso.