LEGAZI CITY – Ikinababahala ng isang eksperto na umabot pa sa 50% pataas ang positivity rate ng COVID-19 sa Pilipinas matapos na makapagtala ng halos 30,000 na kaso ng sakit bawat araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Prof. Jomar Rabajante ng University of the Philippines (UP) Pandemic Response Team, sinabi nito na kung sakaling umabot sa 50% ang positivity rate posibleng malagpasan ang peak na 40,000.
Dahil dito kailangang baguhin ang naunang projection at itaas pa sa 60,000 hanggang 70,000 ang magiging reported cases ng COVID-19.
Subalit ayon kay Rabajante, ang naturang projection ay subject pa sa testing capacity ng Pilipinas dahil nasa 90,000 lang ang kayang i-test sa buong bansa.
Sinabi pa nito na hindi lang dapat pagtaas ng COVID-19 cases ang i-monitor ngayon kundi maging ang hospitalization, dahil kahit mataas pa ang bed capacity kung walang mag-aalaga na mga health workers mababawasin pa rin ang kapasidad ng healthcare.
Kasunod ito ng mga reports na maraming mga health workers na sa ilang ospital lalo na sa National Capital Region ang tinamaan ng COVID-19.
Kung kaya’t abiso ni Rabajante na kahit mild lang ang sintomas ng Omicron variant, mahalaga pa rin na mag-ingat at sumunod sa health protocols.