LEGAZPI CITY – Nananatili na ngayon sa isolation area ang mga unang kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa lalawigan ng Masbate.
Pawang mula sa bayan ng Aroroy si Bicol#96 na 23-anyos na lalaki na dumating mula sa Caloocan City nitong Hunyo 22, 2020 habang 25-anyos na lalaki na bumiyahe sa Taguig City si Bicol #97 na dumating noong Hunyo 21.
Naka-quarantine na rin ang mga ito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Masbate Provincial Health Officer Dr. Oscar Acuesta, patuloy naman ang isinasagawang monitoring sa mga naturang pasyente.
Pasalamat rin ang opisyal sa mabilis na paglabas ng resulta ng swab kaya’t agad ring na-hold ang lahat ng pasahero ng barkong sinakyan ng mga ito pauwi sa lalawigan.
Hindi na rin umano nahirapan ang mga otoridad sa contact tracing sa mga nakasalamuha ng mga pasyente.
Bumuo na rin ng team upang ma-monitor ang nasa 100 lulan ng barko habang hiwalay pa rito ang monitoring ng LGUs na uuwian ng mga ito.
Samantala, pumalo na rin sa 108 ang kabuuang nagpositibo sa COVID-19 sa Bicol.