LEGAZPI CITY- Ipinaliwanag ng isang mambabatas ang ilan sa mga rason ng ‘no vote’ nito sa pagpasa ng P6.793 trillion 2026 National Budget.
Ayon kay Albay First District Representative Krisel Lagman-Luistro sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na hindi pa rin nawawala ang problema sa unprogrammed funds.
Aniya, naging kalakalan na ng ilang mga personalidad ang pagmamaniobra sa unprogrammed funds.
Iginiit ng mambabatas na napapanahon lamang na alisin ito lalo pa at nagiging ugat lamang ng korapsyon.
Dagdag pa ni Luistro na kung hindi aalisin ang unprogrammed funds, nagpapakita lamang ito na hindi seryoso ang pamahalaan sa pagkakaroon ng pagbabago sa pondo lalo pa at ito ang naging ugat ng anomalya sa flood control.
Suhestyon pa ng mambabatas na ang pondo sa flood control projects ay ilaan na lamang sa health at social services.
Samantala, sinabi pa nito na papayag lamang siya sa unprogrammed funds kung masisiguro na hindi ito magiging taguan ng ghost projects at ilalaan lamang sa urgent na pangangailangan.