LEGAZPI CITY- Personal na sinalubong ni Act Teachers Partylist Representative France Castro sa Masinloc, Zambales ang mga mangingisdang nagsagawa ng fishing expedition sa West Philippine Sea.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa naturang mambabatas, sinabi nito na nais niyang maipakita ang suporta sa mga mangisngisda lalo na ngayong ipinagdiriwang ang National Fisherfolks Day.
Nabatid na hanggang sa 10 nautical miles lamang mula sa West Philippine Sea an narating ng nasa 20 bangka na nakiisa sa eskpedisyon.
Matatandaan na target sana ng grupo na umabot sa 20 hanggang 30 nautical miles subalit hindi umano kinaya ng maliliit na bangka ang malakas na alon ng karagatan.
Aniya, halos kakaunti lang ang huli ng naturang grupo na nagsagawa ng fishing expedition dahil na malakas na alon at hindi gaanong nakalapit sa West Philippine Sea.
Dagdag pa ni Castro na inirereklamo ng mga mangingisda na mapalad na umano ang mga ito kung magkaroon ng P500 na kita sa magdamag na pangingisda.
Dahil dito ay patuloy ang panawagan ng mga local fisherfolks ng karagdagang suporta mula sa pamahalaan lalo na umano ang pagsiguro sa kaligtasan ng mga mangingisda sa loob ng exclusive economic zone ng bansa.