Screengrab ©Kim Doma/FB

LEGAZPI CITY – Kinabiliban at maraming pusong naantig sa ginawa ng isang tricycle driver sa Sorsogon City matapos na mag-alok ng “community ride”.

Kakaiba sa nauusong community pantry sa ngayon, hindi basic commodities o goods ang alok nito kundi libreng sakay.

Lumikha ng good vibes at positive comments ang social media post ni Kim Doma na nais lamang magpasalamat sa driver na kinilalang si Romeo Desuyo matapos na mabiyayaang maisakay sa “community ride”.

Kwento ni Doma sa Bombo Radyo Legazpi, galing siya sa bangko at pabalik na sa pinagtatrabauhang tanggapan nang sumakay sa tricycle ni Tatay Romeo.

Nang akmang magbabayad na ng P15 na pamasahe, hindi umano ito tinanggap ng driver at dama ang sinseridad na nagsabi na libre na siya.

Hindi agad naniwala si Doma kaya’t ipinilit ang bayad ngunit ayon sa driver, nais lamang niyang tumulong sa kapwa sabay labas ng lalagyang walang laman na kita.

Sa simpleng aksyon na ito, napalundag umano sa tuwa ang puso ni Doma kaya’t ibinahagi sa kaniyang account ang nangyari na agad namang nag-viral at nakakalap na ngayon ng libo-libong reactions, comments at shares.

Umaasa si Doma na kagaya ng pagiging sikat ng community pantry, gawing-inspirasyon ng iba si Tatay Romeo na walang boundary sa paggawa ng mabuti sa kapwa, anuman ang kapasidad at kalagayan sa buhay.