LEGAZPI CITY- Bukas na ang community pantry sa tatlong evacuation centers sa bayan ng Guinobatan, bilang bahagi ng patuly na pagbibigay ng tulong sa mga residenteng apektado ng patuloy na abnormalidad ng bulkang Mayon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa alklade ng Guinobatan na si Mayor Paul Chino Garcia, umabot sa 940 mga residente ang nabenepisyuhan ng programa sa unang araw ng programa.
Kasama sa mga ipinamigay sa community pantry ay karneng manok, at iba’t-ibang uri ng mga gulay na binabinili mismo ng LGU sa ‘women planters’ upang ipamigay naman sa mga Mayon evacuees.
Dagdag pa ni Garcia, maliban sa mismong mga produkto, may mga volunteers ding nagbibisita sa mga evacuation centers upang magpakain sa mga residente.
Nagsimula na rin aniya ang TUPAD program para sa mga evacuees kung saan malaking tulong lalo pa’t maraming mga evacuees ang pansamantalang nawalan ng hanapbuhay dahil sa pag-aalburuto ng bulkang Mayon.
Samantala, paonti-onti na rin umanong naososolusyunan ang problema sa suplay ng tubig, ngunit ani Garcia hindi pa rin maiiwasan na ilang sa mga evacuees ang nagkakaroon ng sakit tulad ng ubo, sipon at lagnat, ngunit may nakahanda naman umanobg mga gamot, at maging isolation area, sakaling kailanganin.