A Communication Professor said that government officials particularly DILG Secretary Jonvic Remulla should have a refresher course on media literacy.

LEGAZPI CITY – Ipinaliwanag ng isang Communication Professor ang reaksyon ng publiko sa typhoon advisory joke ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla.


Ayon kay University of the Philippines College of Mass Media and Communication Professor Danilo Arao sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, naiintindihan niya ang pagkabahala ng publiko dahil ang pag-ulan at pagbaha ay mabibigat na isyu na nakaapekto sa maraming pamilya at kumitil sa ilang indibidwal.


Aniya, maaaring hindi nagustuhan ng publiko ang post lalo na’t nagmula ito sa official social media account ng DILG.


Dapat isipin ni Secretary Remulla na iba na ang trabaho niya ngayon kumpara noong nakilala siya sa mga kwelang hirit nang Gobernador pa lamang siya ng Cavite.


Sinabi ng Propesor na dahil sa biro ng nasabing opisyal ay natakpan na ang lehitimong anunsyo na hinihintay ng buong mamamayan at tama umano ang ginawa ng publiko sa hindi pagpapalagpas sa biro ng opisyal sa panahon ng kalamidad.


Iminungkahi din niya na dapat baguhin ni Sec. Remulla ang kanyang pag-uugali batay sa pangangailangan ng kanyang mga nasasakupan habang ang Regional DILG offices ay maaari ding gamitin upang ihatid ang anunsyo sa kanilang sariling diyalekto.


Dapat aniya, matuto ang kalihim na magpakalat ng mga anunsyo o balita nang hindi dumadaan sa mga biro tulad ng mga nasa media dahil hindi naman nagkukulang sa pondo ang ahensya kaya’t gumagawa na sila ng mga pa-biro na post para mapagkakakitaan ang kanilang page.


Binigyang-diin ni Arao na hindi dapat masanay ang publiko sa mga biro ng nasabing ahensya at mali ang punto ni Sec. Remulla na hindi siya magbabago sa kanyang ugali dahil kahit suportado siya ng Pangulo ay nananatiling mali ang kanyang ginawa sa panahon ng kalamidad.