LEGAZPI CITY- Nilinaw ng Commission on Elections na papayagan at mabibigyan ng exemption sa spending ban ang mga public officials na nais na magpaabot ng ayuda sa mga residenteng apektado ng patuloy na aktibidad ng Bulkang Mayon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Commission on Elections Bicol Director Maria Juana Valeza, kinakailangan lang na mag-file ng petition sa ahensya upang ma-exempt ang mga ito sa paggamit ng pondo bilang ayuda.
Maaalalang oras na makapag file na ng certificate of candidacy ang isang indibidwal ay ikinokonsidera na itong kandidato kung kaya pinagbabawalan ng gumastos, mamigay ng pera o anumang bagay sa mga botante na posibleng makaapekto sa magiging resulta ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Subalit dahil na rin sa sitwasyon ng mga apektadong residente na posibleng abutin na ng eleksyon sa evacuation centers ay magbibigay ng exemption ang Commission on Elections.
Paalala lang ng komisyon na hindi pa rin papayagan na ang mismong kandidato ang mag-aabot ng ayuda sa mga evacuees, bawal ang paglalagay ng pangalan sa ayuda at hindi dapat ito gamitin sa pangangampanya.
Bukas ang Commission on Elections na tumanggap ng petisyon kahit pa magsimula na ang campaign period.