LEGAZPI CITY – Nakikipagtulungan na ang Commission on Elections sa mga awtoridad kasama na ang Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines sa pagpapalakas ng seguridad sa bayan ng Libon sa Albay.
Ito ay kasunod ng nangyaring pamamaril-patay sa isang Punong Barangay sa lugar matapos na makapaghain ng Certificate of Candidacy.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Commission on Elections spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, nagpalakat na ng 100 na kapulisan sa naturang bayan maliban pa sa inilatag na Special Action Force at hotline.
Naka-activate na rin ang Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) ng Armed Forces of the Philippines.
Ayon kay Laudiangco, pinapayagan na ang mga Barangay na kumuha ng security maging ang mga aspirante.
Dahil sa pangyayari, sinabi ng opisyal na awtomatikong mapapabilang ang lugar sa area of concern at pinag-aaralan na rin kung kinakailangang ilagay sa Commisson on Elections control.
Nilalayon ng naturang mga hakbang na matiyak ang kapayapaan at kaayusan sa lugar lalo na ngayong panahon ng eleksyon upang hindi na maulit ang mga ganitong insidente.