LEGAZPI CITY- Kuntento ang Commission on Elections sa nakitang maayos na proseso sa mga planta ng Korean firm na MIRU sa pagbisita ng tanggapan sa South Korea.
Kasama ng komisyon sa pagbisita sa planta ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting, Kapisanan ng mga Broadkasters ng Pilipinas, at Philippine Computer Society.
Ayon kay Commission on Elections Spokesperson John Rex Laudiangco sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na nagkaroon ng quality control testing kung saan isinailalim ang mga makina sa stress test upang ma-simulate ang temperatura o klima sa Pilipinas.
Sa buong maghapon umanong pinaandar ang mga makina ay hindi nagkaroon ng breakdown o anumang problema.
Sa kabila nito ay sinabi ng opisyal na magsasagawa pa rin ng hiwalay na tests ang bansa oras na dumating na ang unang batch ng mga makina.
Ayon kay Laudiangco na plano na hiramin ng tanggapan ang kagamitan ng kumpanya para sa isasagawang hiwalay na stress test gayundin sa pagsasagawa ng hardware acceptance test.
Samantala, nagpahayag umano ng excitement ang mga Pilipino sa South Korea para sa pagsasagawa ng internet voting.