LEGAZPI CITY – Ipinagpapasalamat ng Commission on Election (COMELEC) Donsol ang pagdagsa ng mga nagpaparehistro sa kanilang opisina, haros limang araw na lamang bago ang pagtatapos ng registration period sa Hulyo 23.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Jean Rogacion ang Election Office ng COMELEC Donsol, halos araw-araw na lampas sa 100 mga residente ang pumupunta sa kanilang opisina upang magparehistro habang pinakamataas na umano ay umabot sa 190.
Ayon sa opisyal bandang alas 4 pa lamang ng umaga ay may mga pumipila na sa labas ng kanilang opisina para lamang maunang makapagparehistro.
Umaasa ang COMELEC na magpapatuloy ito upang mas madaming mga residente ang makasabay sa pagboto sa Sangguniang Kabataan (SK) at Barangay Elections sa Disyembre 5.
Sa Hulyo 23 na huling araw ng registration inaasahang dadagsa na naman ang mga hahabol sa voter’s registration kaya nagsasagawa na rin umano ng paghahanda para dito ang komisyon.