LEGAZPI CITY – Pinaiimbestigahan na ng mga awtoridad ang insidente ng pamamaril-patay sa isang kandidato para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Brgy. Maingaran Masbate City.

Nasawi sa insidente ang kandidato sa pagka-barangay Kagawad na kinilalang si Juvy Pintor habang sugatan naman ang Barangay Chairman na si Joseph Conrado Martinez.

Sa imbestigasyon ng kapulisan, nagkainitan ang dalawang magkalaban na grupo na kandidato para sa Barangay Chairman hanggang sa nauwi sa pamamaril.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Commissin on Elections Bicol Regional Director Atty. Ma. Juana Valeza, itinuturing na election related incident ang nangyari dahil opisyal na kandidato ang biktima para sa papalapit na halalan.

Isa pa rito ay napagkaitan na ang biktima na iboto ng nasasakupan sa tinatakbuhang posisyon dahil sa insidente.

Gayunpaman ayon kay Valeza, batay sa batas na kung sakaling mayroong asawa ang biktima ay maaari itong pumalit sa pagtakbo bilang barangay Kagawad.

Samantala, nakikipagtulungan na ang tanggapan sa kapulisan at iba pang mga law enforcement agencies upang maimbestigahan ang naturang insidente.