LEGAZPI CITY- Inaasahan na magdadala ng karagdagang kita sa mga magsasaka ang dini-develop na suka na gawa sa coconut water o sabaw ng niyog sa bayan ng Barcelona, Sorsogon.
Ayon kay Department of Science and Technology Sorsogon Provincial Director Engineer Bong Noguera sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na naglaan ng pondo ang tanggapan para sa naturang proyekto.
Aniya, nasa 40, 374 litro ng coconut water ang nasasayang sa naturang bayan kaya naisip na mag-produce ng suka gamit ito.
Nabatid na inirereklamo kasi ng mga magsasaka ang murang bilihan ng niyog lalo pa kung ibinebenta ito ng buo kaya imbes na itapon lamang ay nais nilang gawan ng panibagog kabuhayan sa lugar.
Ayon kay Noguera na kung dati ay inaabot ng nasa limang buwan ang paggawa ng suka ay mas mapapaikli ito ng hanggang anim na araw kung gagamit ng sabaw ng niyog kaya mas magiging madali rin ang return of investment.
Subalit bago ito ay dadaan muna sa masusing training ang mga coconut farmers sa tulong ng Industrial Technology Development Institute ng ahensya at magsasailalim sa food safety at good manufacturing process.
Dagdag pa ng opisyal na oras na makapag produce na ng naturang produkto ay hindi agad ipapalabas sa merkado dahil sasailalim pa sa laboratory testing and analysis upang masigurong ligtas gamitin.