LEGAZPI CITY- Inalerto ni Catanduanes Acting Governor Shirley Abundo ang mga barangay officials at iba pang residente sa coastal barangay na maiging magbantay at maging mapagmatyag.
Naglabas ng pahayag ang opisyal matapos ang pagkaalarma ng ilan sa mga kumakalat na ulat sa mga umano’y pagdating ng mga taong hindi batid ang pinanggalingan.
Sa pahayag nito, inatasan nito ang lahat na tiyaking walang makakadaong na iba sa mga baybayin maliban sa mga otorisadong mangingisda.
Nilinaw naman ni Abundo na batid ang kagustuhan ng ilan na makauwi ng lalawigan at makasama ang pamilya subalit may ilang alituntunin lamang na kailangang sundin dahil sa coronavirus pandemic.
Apela pa ng gobernador na kaunting tiis lamang ito na para sa kaligtasan ng lahat.
Malaking tulong umano ang kooperasyon ng bawat isa dahil hindi rin naman aniya makakayang mabantayan lahat ng Philippine Coast Guard (PCG) ang malawak na coastline ng Catanduanes.
Nakipag-ugnayan na rin aniya ito sa alkalde ng Caramoan, Camarines Sur upang paalalahanan ang mga kababayan na huwag munang magtungo sa lalawigan.
“Bagaman gusto kong makauwi sila, tayo po ay may sinusundang mga polisiya at mahahalagang tagubilin upang mapanatili po natin ang kaligtasan sa loob ng ating lalawigan. Sa tamang panahon, makakasama rin natin ang ating mga mahal sa buhay. Kaunting tiis pa. Kaunting pasensiya. Kaunting sakripisyo pa,” ani Abundo.
Una nang naghigpit ang naturang island province sa pagpapapasok ng kung sino man dahil sa banta ng coronavirus.