LUNGSOD NG LEGAZPI—Naka-heightened alert ngayon ang Coast Guard Catanduanes dahil sa posibleng epekto ng bagyong Wilma.
Ayon kay Coast Guard Station Catanduanes Chief of Staff Ensign Jepril Bitas, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, naka-standby na ang kanilang mga deployable response group kasama ang mga tauhan sa kanilang mga sub-station at mobile team.
Bukod dito, nakahanda rin ang kanilang communication equipment at mga floating asset upang mapabilis ang pagtugon sa anumang insidente ngayong may masamang panahon.
Dagdag pa ng opisyal na mahigpit na ipinagbabawal ang paglalayag ng lahat ng sasakyang pandagat na mababa sa 250 GT (gross tonnage) kabilang ang mga bangkang pangisda at maliliit na sasakyang pandagat sa hilaga at silangang baybayin lalo na sa mga bayan ng Pandac, Bagamanoc, Panganiban, Gigmoto, Baras at Bato ng nasabing lalawigan.
Samantala, pinaalalahanan din ni Bitas lalo na ang mga residente ng nasabing mga bayan malapit sa mga baybayin pati na rin ang mga mangingisda na iwasan ang paglalayag at tiyaking ang kanilang mga bangka ay nasa ligtas na lugar dahil sa gale warning na dulot ng nasabing bagyo.











