LEGAZPI CITY – Posibleng gumamit na ngayong araw ng chopper para i-airlift ang bangkay ng apat na pasahero ng bumagsak na Cessna plane sa itaas ng bulkang Mayon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Camalig Mayor Caloy Baldo, naghahanda na ang Philippine Air Force para sa isasagawang operasyon oras na makiayon ang lagay ng panahon.

Maghahanap na rin ng lokasyon para sa drop off point ng chopper dahil posibleng i-hoist ang mga bangkay o huhulugan ng lubid at hihilahin pataas.

Ayon kay Baldo, ito lang ang pinakamabilis na paraan upang tuluyan ng maibaba ang naturang mga biktima na higit isang linggo ng nasa taas ng bulkan.

Target ngayong araw na makapagbaba ng isa o dalawang bangkay gamit ang chopper kung sakaling bumuti ang lagay ng panahon.

Una nang nagdagdag ng bilang ng mga responders dahil kinakailangan ng 10 hanggang 12 katao na bubuhat sa kada bangkay.

Samantala, sa hiwalay na panayam kay Michael Brizuela, isa sa mga volunteer mountaineer, hindi pa gaanong nakakalayo ang rescue teams pababa mula sa crash site.

Malaki kasing hadlang sa operasyon ang matarik, mabato at madulas na daan na kung minsan nagiging zero visibility pa, kung kaya’t hindi makagalaw ang rescue teams.

Lalo pa’t nasa anim na oras ang kailangang gugulin mula sa crash site pababa sa Forest Ranger Station (FRS).