LEGAZPI CITY- Itinuturing ng Catanduanes State University na malaking karangalan ang pagkakabilang ng unibersidad sa World University Rankings for Innovations 2024.
Nasa rank 291 kasi ang unibersidad sa Global Top 300 Innovative Universities sa mundo.
Nasa rank 26 rin ito sa Support for Global Resilience, rank 40 sa Crisis Management at rank 66 sa Leadership.
Ayon kay Catanduanes State University President Patrick Alain Azanza sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na nangangahulugan lamang ito na nagbunga ang pagsisikap ng unibersidad.
Ang pagkakabilang umano sa World University Rankings for Innovations 2024 ang nagmamarka sa excellence ng unibersidad.
Naniniwala ang opisyal na makakatulong ang naturang pagkilala lalo pa at sa tuwing nagkakaroon ng mga pagdinig sa budget allocation, isa sa mga tinitingnan kung deserving ang isang unibersidad sa pondo na hinihingi nito.