The Catanduanes Police Provincial Office is conducting an investigation into an incident involving a Person Under Police Custody (PUPC) who sustained gunshot wounds after attempting to flee Pandan town.

LEGAZPI CITY – Nagsasagawa ng imbestigasyon ang Catanduanes Police Provincial Office sa insidenteng kinasasangkutan ng isang Person Under Police Custody (PUPC) na nagtamo ng mga tama ng bala matapos nitong tangkaing tumakas sa bayan ng Pandan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, Catanduanes Police Provincial Office Public Information Officer Police Major Emsol Icawat, sinabi nito na naganap ang insidente habang dinadala ng mga tauhan ng Pandan Municipal Police Station ang nasabing PUPC patungo sa Office of the Provincial Prosecutor sa bayan ng Virac para sa preliminary investigation.

Habang sinasakay ang nakaposas na suspek sa police mobile, bigla niyang hinablot ang sling bag na naglalaman ng baril ng isa sa mga escort officer hanggang sa manlaban ito sa mga pulis at tumakas matapos mabigong agawin ang bag.

Nang hindi siya tumigil sa pagtakas, napilitan ang isang pulis na barilin ang suspek kung saan tumama ang bala sa itaas na bahagi ng kanyang tuhod ngunit patuloy siyang tumakas hanggang sa siya ay makorner at muling maaresto.

Sinabi ng opisyal na pagkatapos ng insidente, dinala ang suspek sa ospital para sa paggamot at dumalo sa kanyang legal proceedings matapos ideklarang ligtas na sa panganib sa parehong araw.

Bukod sa kanyang unang kaso ng paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ang suspek ay mahaharap din sa mga kasong paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code o Resistance and Disobedience to a Person in Authority or the Agents of Such Person.

Ipinunto ni Icawat na kung matagumpay na makatakas ang suspek, maaaring maging problema ito para sa kanilang hanay at ang station commander ng Pandan Municipal Police Station ay mahaharap sa naaangkop na imbestigasyon at posibleng kaso.