LEGAZPI CITY-Naka-full alert status na ang Catanduanes Police Provincial Office para magbigay ng seguridad sa unang linggo ng Simbang Gabi.
Ayon kay Catanduanes Police Provincial Office Public Information Officer Police Major Emsol Icawat, sa isang panayam sa Bombo Radyo Legazpi, ang kanilang mga puwersa at pangkat ay naka-standby sa mga lugar sa probinsya.
Mayroon din silang nakalatag para sa oplan presensya tuwing rush hour kasama ang punong tanggapan ng bayan ng Virac sa probinsya na nakakatulong sa police visibility sa mga lugar.
Sa panahon ng Simbang Gabi, mayroong 9 na malalaking simbahan sa probinsya ang regular na binibisita.
Tinatarget din nila na mas tutukan ang mga kabahayan dahil sa panahong ito ay hindi maiiwasan ang mga mapagsamantala.
Dagdag pa ng opisyal na karamihan sa mga insidente sa probinsya ay mga vehicular accident at shoplifting tuwing kapaskuhan.
Magsasagawa rin sila ng mga checkpoint sa mga kalsada upang maiwasan ang mga insidente.
Pinaalalahanan ng opisyal ang publiko na maging maingat at mabagal sa pagmamaneho ng kanilang mga sasakyan pati na rin sa mga kapwa mamamayan na nais magsimba, na siguraduhing sarado ang kanilang mga tahanan.











