LEGAZPI CITY – Nagpaabot ng tulong pinansyal at mga kagamitang panlinis ang mga Police Provincial Offices sa Bicol sa mga naapektuhan ng oil spill sa Oriental Mindoro.

Kasama sa mga nangunang nagpaabot ng tulong ang Catanduanes Police Provincial Office, 11 Municipal Police Stations at 2 Mobile Force Company mula sa island province.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Pat. Renie Garcia, PIO PNCO ng Catanduanes 1st Provincial Mobile Force Company, agad na nagsagawa ng hakbang ang himpilan matapos na malaman ang insidente ng oil spill sa lugar upang makapagbigay ng tulong sa mga apektado.

Ilan sa mga ipinadalang tulong ang kahon-kahon na facemask, dose-dosenang garbage bag, sako at iba pang kagamitang panlinis upang agad na malinis at makarekober ang lugar sa pinsala dulot ng oil spill.

Ipapadala ito sa pamamagitan ng Police Regional Office V kasama ang mga tulong mula sa iba pang mga Police Provincial Offices sa rehiyon.

Ayon kay Garcia, ginawa ang hakbang alinsunod sa Peace and Security Framework na Malasakit, Kaayusan, Kapayapaan, and Kaunlaran ng Philippine National Police.

Nangako naman ang opisyal na hangga’t kayang tumulong ng kapulisan ay hindi titigil sa pagpapaabot ng tulong sa mga labis na naapektuhan ng oil spill.