LEGAZPI CITY – Isinailalim na rin sa State of Calamity ang buong island province ng Catanduanes dahil sa patuloy na paglobo ng mga kaso ng dengue.
Nabatid sa tala ang Catanduanes Provincial Health Office na umakyat sa 1, 928 ang kabuuang dengue cases mula Enero hanggang Agosto 30 ng kasalukuyang taon na lubhang mataas kung ihahambing sa nasa 109 na kaso lamang noong nakaraang taon sa kaparehong panahon.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Catanduanes PHO head Dra. Hazel Palmes, inirekomenda sa Sangguniang Panlalawigan ang isyu dahil apektado na aniya nito ang anim sa pitong government hospital sa lalawigan habang hindi na rin kakayanin ng budget ang pag-sustain sa intervention sa mga kaso.
Aminado si Palmes na kahit desidido ang kampanya sa chemical control at environment management, kinakailangan aniya ang tuloy-tuloy na pakikibahagi ng stakeholders sa mga hakbangin.
Tinitingnan na rin ang biological intervention sa mga isdang panlaban sa mga kiti-kiti upang makontrol ang pagtaas ng bilang na inaasahang aakyat pa ngayong tag-ulan.
Samantala, una na ring nagdeklara ng state of calamity sa Albay kaugnay ng paglobo ng dengue cases sa Bicol.